gamot-sa-kulugo

Ang warts o kulugo ay sanhi ng human papillomavirus (HPV). Mayroong higit kumulang 60 na uri ng HPV, ang ilan ay nagdudulot ng kulugo sa balat.

Ang HPV ay nagdudulot ng mabilis na tubo ng cells sa outer layer ng balat. Karamihan sa mga kaso ng common warts ay makikita sa mga daliri, paligid ng kuko, o sa kamay.

May ilang uri rin ng HPV na nagdudulot ng kulugo sa may genital area. Bagama’t ito’y kadalasang hindi delikado at maraming options ng gamot sa kulugo, nakakahiya pa rin na magkaroon nito dahil ito’y panget, at nakakahawa.

Ano-ano ang mga uri ng kulugo?

Mayroong anim na pangunahing uri ng kulugo. Ang bawat isa ay nagkakaiba-iba depende sa itsura nito at kung saan ito matatagpuan.

  1. Common Warts – Ang common warts ay madalas tumutubo sa mga kuko ng kamay at paa ngunit, maari rin matagpuan sa iba pang bahagi ng katawan. Ito ay mayroong rough at grainy na itsura at bilog ang taas. Ang mga common warts ay mas kulay gray kumpara sa balat na nakapalibot dito.
  2. Plantar Warts – Ang Plantar Warts ay tumutubo sa talampakan. Kumpara sa ibang uri ng kulugo, ang Plantar warts ay tumutubo paloob ng balat, hindi palabas. Malalaman mo na ikaw ay may plantar wart kung mapapansin mo na may maliit na butas sa ilalim ng iyong paa na napapalibutan ng matigas na balat. Maaring maging uncomfortable ang iyong paglalakad kung ikaw ay may Plantar Warts.
  3. Flat warts – Ang flat warts ay kadalasan tumutubo sa mukha, balakang, at mga braso. Ito ay maliliit at hindi madaling makita. Ang flat warts ay may flat rin na tuktok na tila ba parang tinuklap. Maari itong kulay pink, brownish, o kaya ay slightly yellow.
  4. Filiform warts – Ang Filiform wartdbay tumutubo sa paligid ng bibig o ilong. Ito ay maliliit at may hugis na parang tiny flap o tag ng balat. Ito ay pareho sa kulay ng iyong balat.
  5. Periungual warts – Ang Periungual warts ay tumutubo sa ilalim o pagitan ng kuko sa kamay at paa. Ito ay masakit at maaring makaapekto sa tubo ng iyong kuko.
  6. Genital warts – Ang Genital warts ay matatagpuan sa may pubic area, genitals, at sa loob at paligid ng anus at vagina. Ito ay kulay pink o pula na maihahalintulad sa maliliit na cauliflower kaya hindi madaling mapansin. Karaniwan itong makikita ng kumpol ng tatlo o apat at mabilis itong kumalat. Madalas hindi ito masakit ngunit, makati at maaring magdugo kapag kinamot. Ang HPV infection ang pinakakaraniwang sexually transmitted disease sa North America at isa sa mga uri ng virus na maaring magdulot ng cervical cancer.

Gamot sa kulugo: Ano ang mga home remedies para sa kulugo?

Apple Cider Vinegar – Ang Apple Cider Vinegar ay gumagana katulad ng salicylic acid. Ang Salicylic acid ay karaniwang wart treatment na nagtutuklap sa infected na bahagi ng balat. Ang Vinegar ay mayroon din natural na antimicrobial properties na maaring makatulong sa HPV.

Upang subukan ang remedy na ito, haluin ang 2 kutsarang ACV at 1 kutsarang tubig. Gumamit ng bulak at ilagay ito sa kulugo. Takpan ng bandage. Iwanan ito sa loob ng tatlo hanggang apat na oras.

Tandaan na laging ihalo ang Apple Cider Vinegar sa tubig dahil ang acidity nito ay maaring magdulot ng iritasyon at chemical burns. Huwag din ito i-apply sa mga bukas na sugat.

Pinya – Ang Pineapple ay may bromelain, isang mixture ng enzymes na nagdi-digest ng proteins. Pinaniniwalaan na ang bromelain at nagtatanggal ng kulugo sa pamimigitan ng pag-digest ng protina ng HPV. Bagama’t may ilang pag-aaral ang nagpapatunay sa pagiging epektibo ng bromelain sa paggamot ng ilang medical conditions, wala pang direktang nagsusuporta sa abilidad nito na magtanggal ng kulugo.

Maraming paraan upang gamitin ang pinya bilang gamot sa kulugo. Ang unang paraan ay ibabad ang kulugo sa pineapple juice araw-araw. At ang pangalawang technique ay derechong ipahid ang pinya araw-araw.

Patatas – Marami ang nagsasabi na ang potato juice ay nakaka-dehydrate raw ng kulugo ngunit, wala pang pag-aaral ang magpapatunay rito.

Upang subukan ang gamot sa kulugo na ito, hatiin ang maliit na patatas sa dalawa. Ipahid ito sa kulugo hanggang tuluyan itong mabalot sa potato juice. Ulitin ito ng dalawang beses sa isang araw.

Bawang – Upang gamutin ang kulugo gamit ang bawang, dikdikin ang isang pirasong bawang at ihalo ito sa tubig. Ilagay ito sa kulugo at balutan ng bandage. Ulitin ito araw-araw sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo. Maari mo rin subukan na lagyan ito ng garlic juice o hindi kaya ay derechong ipahid ang bawang sa kulugo.

Ano ang mabisang gamot sa kulugo?

Kung hindi pa rin gumana ang home remedies na iyong sinubukan, magandang pumunta na sa doctor upang magpakonsulta. Tandaan, regular na magpatingin sa doctor kung ikaw ay may diabetes at warts sa paa.

Freezing treatments – Ang mga over-the-counter treatments ay nagi-ispray ng concentrated cold air (pinaghalong dimethyl ether at propane) sa kulugo. Pinapatay nito ang balat upang makayod mo ang paligid ng kulugo. Ang ganitong uri ng treatment ay magandang option upang matanggal agad ang kulugo ngunit, hindi ito epektibong gamot sa lahat ng uri nito.

Salicylic acid – Isa pang over-the-counter treatment na maaring mabili sa gel, ointment, o pads. Ang salicylic acid ay nakakatulong upang malusaw ang wart tissue. Ang prosesong ito ay maaring abutin ng ilang linggo.

Liquid nitrogen – Maaring i-freeze ng doctor ang iyong kulugo gamit ang liquid nitrogen. Ito ay masakit ngunit, mabisang gamot sa kulugo. Nangangailangan ng higit sa isang treatment upang masiguradong tuluyang nawala ang kulugo. Ang freezing ay nagdudulot ng blister formation sa ilalim at paligid ng kulugo. Ang blister na ito ang mag-aangat ng kulugo palayo sa balat pagkalipas ng isang linggo.

Laser treatment– Sinusunog ng pulsed-dye laser treatment and maliliit na blood vessels, dahilan upang ang infected tissue ay kalaunang mamatay at mahulog ang mga kulugo. Ang paraan nito ay masakit at maaring magpeklat.

Operasyon para tanggalin ang kulugo – Ang pagsasailalim sa operasyon ang pinakahuling option na maaring gawin kung hindi pa rin tumutugon ang iyong balat sa iba pang naunang treatments. Hihiwain ng iyong doctor ang kulugo gamit ang surgical knife o hindi kaya ay susunugin ito gamit ang kuryente. Ikaw ay tuturukan muna ng anaesthesia ngunit, masakit din ang mismong turok na ito. Ang operasyon ay maari rin mag-iwan ng peklat.