Ang pimples o tigyawat ay isang kondisyon sa balat kung saan ang hair follicles ay nababarahan ng oil at dead skin cells. Maari itong magresulta sa whiteheads, blackheads, o pimples na madalas matatagpuan sa mukha, noo, dibdib, taas na bahagi ng likod, at mga balikat. Ang pimples ay karaniwan sa mga teenagers ngunit, posible rin magkaroon nito kahit na ang matatanda.

Walang masamang epekto sa kalusugan ang pimples at kung papanatilihin lamang na malinis ang balat ay kusa rin mawawala ito. Ngunit, kung gusto mo malaman kung paano mawala ang pimples sa pinakamabilis at epektibong paraan, basahin mo ang article na ito.

Iba’t ibang uri ng Pimples

  • Whiteheads – Tinatawag din na closed comedones. Ito ay maliliit na tigyawat na kulay puti na nakatago sa ilalim ng balat.
  • Blackheads – Tinatawag din na open comedones. Ito ay kulay itim o kayumanggi dahil sa oxidation ng melanin o ang pigment ng ating balat. Marami ang nagkakamali at inaakalang dumi ito kaya kanilang hinihilamusan ng matindi at sobrang dalas ang kanilang mukha ngunit, hindi ito nakakatulong at possibleng magresulta pa sa skin irritation.
  • Papules – Ito ay maliit, solid, at bilog na bumps na umuumbok mula sa balat. Madalas itong kulay pink.
  • Pustules – Ito ang pimples na puno ng pus o nana. Kitang-kita ito mula sa balat kaya sobrang nakakahiya. Ang base nito ay kulay pula at may nana sa taas.
  • Nodules – Katulad rin ng itsura ng papules ngunit, mas malaki. Ito’y masakit at malalim na nag-ugat sa balat.
  • Cysts– Halatang-halata kapag nagkaroon ka ng cysts sa balat. Punong-puno ito ng nana at madalas ay masakit. Ito rin ay nauuwi sa peklat.

Ano-ano ang mga sanhi ng tigyawat?

  • Matinding oil sa balat – Kapag ang katawan ay naglalabas ng maraming facial oil o sebum, ang mga dead skin cells ay magdidikit-dikit at magbabara sa mga pores. Ito ay nagpapataas sa chances na magkaroon ng tigyawat.
  • Pagbabago sa hormonal levels – Ang pagtaas ng level ng testosterone sa lalaki at babae ay nakapagpapataas sa produksiyon ng sebum. Ito ay karaniwan sa panahon ng puberty.
  • Bacteria – Kapag ang isang pore ay nabarahan ng kombinasyon ng sebum at dead skin cells, magiging mas madali para sa bacteria ang makapasok sa balat na magreresulta sa tigyawat.
  • Hereditary – Ang pagiging prone sa pimples ay maaring dahil sa lahi.
  • Medications – Ang ilang gamot ay nagdudulot ng pimples bilang side effect nito.

Para sa mga taong kasalukuyan ng may mga tigyawat, ang mga sumusunod ay subukang iwasan dahil mas nakakapagpalala pa ito:

  • Stress
  • Pagkain ng oily at processed foods
  • Pagkamot at madalas na paghawak sa tigyawat
  • Pagputok sa tigyawat

Ano ang mga gamot para sa pimples?

Maraming over-the-counter medications ang maaring mabili sa mga botika at drugstores na effective treatment kung paano mawala ang pimples. Madalas ito ay nasa uring cream, gels, pads, lotion, at sabon. Marami sa mga ito ay topical treatments na direktang pinapahid sa balat.

  • Resorcinol – Ito ay nakakatulong upang matunaw ang mga blackheads at whiteheads. Ito ay mayroong active ingredient na siya ring ginagamit laban sa dandruff, eczema, at psoriasis.
  • Benzoyl peroxide – Ang active ingredient nito ay umaatake at pumapatay sa mga bacteria at pinapababa ang produksiyon ng sebum. Ang benzoyl ay isang peeling agent, pinapabilis nito ang pagpapalit ng balat at nililinis ang mga pores. Dahil dito, nababawasan ang dami ng bacteria sa apektadong bahagi ng katawan.
  • Salicylic acid – Nag-aalis ng blackheads, whiteheads at pimples. Nakakatulong din upang mabawasan ang pamamaga at pamumula ng tigyawat. Ang salicylic acid ay pampabalat dahil dito naiiwasan na ma-block ang mga pores at napapabilis ang pagpalit ng mga skin cells
  • Sulfur – Ang sulfur ay ilang daang taon ng ginagamit na gamot sa tigyawat, psoriasis, at eczema. Ito rin ay nakakatulong upang mabawasan ang mga blackheads at whiteheads. Ang sulfurous acid ay mayroong antibacterial properties na panlaban sa mga bacteria na naipon sa tigyawat.

Mga Home Remedies kung paano mawala ang pimples

Tea tree oil – Ang paglalagay ng tea tree oil sa balat ay nakakatulong upang mabawasan ang pamamaga at pamumula ng tigyawat. Ito ay may natural na antibacterial at anti-inflammatory properties na mabisang panlaban sa P. Acnes, ang bacteria na nagdudulot ng pimples.

Direktang ipahid ang cream o gel na tea tree oil sa tigyawat. Kung ang gamit ay essential oil, i-dilute muna ito sa isang carrier oil bago ipahid.

Aloe vera – Ang aloe vera ay isang natural na antibacterial at anti-inflammatory, nangangahulugan na ito ay may kakayahan na paliitin ang tigyawat at maiwasan ang future pimple breakouts.

Linisin ang tigyawat sa pamamagitan ng pagpahid ng gel or cream na may at least 10% Aloe vera. Maari ka rin bumili ng mga aloe vera gel o cream na magandang pang-moisturize ng balat.

Honey – Ang honey ay mayaman sa antioxidants na nakakatulong para maalis ang dumi mula sa mga baradong pores. Ginagamit ng mga doktor ang honey bilang wound dressing dahil sa antibacterial at wound healing properties na matatagpuan dito.

Gamit ang daliri o cotton pad, pahiran na kaunting honey ang pimples. Maari mo rin gamitin ang honey bilang isang buong face o body mask.

Bawang – Ang bawang ay nagpapalakas sa immune system ng katawan upang labanan ang mga germs at infections. Ito ay mayroong organosulfur compounds na isang antibacterial at anti-inflammatory.

Upang malabanan ang infection na dulot ng tigyawat, dagdagan ang dami ng garlic sa iyong diet. Ang ilan ay pumapapak ng bawang, o kaya ay ginagawa itong inumin. May mga mabibili rin na garlic powder o capsule sa mga grocery stores o drugstores. Bagama’t may ilan na direktang pinapahid ang bawang sa pimples, hindi ito irinerekomenda dahil maaring masunog ang balat at mauwi sa mas malalang skin irritation.

Green tea – Isa pang mabisang paraan paano mawala ang pimples ay ang paggamit ng Green tea. Ang Green tea ay mataas sa antioxidants na nakakabawas ng inflammation ng balat. Ito rin ay may mataas na concentration ng polyphenol antioxidants na kung tawagin ay “catechins”. Marami sa mga taong maraming tigyawat ay may mataas na production ng sebum ngunit, kulang ang antioxidants.

Idagdag ang pag-inom ng green tea sa iyong diet o hindi kaya ay ipahid ang extract nito sa iyong balat. Bukod sa pangtanggal ng pimples, ang polyphenol ng Green tea ay effective din na pangtanggal ng whiteheads at blackheads.