Lahat tayo ay gustong magkaroon ng makinis na balat. Maging babae man o lalake, lahat gustong kuminis. Walang may gusto ng hindi pantay na kulay o matigyawat na balat. May iba’t ibang produkto pampakinis ng mukha na mabibili sa mga drug stores at beauty shops ngunit ang mga ito ay madalas may kamahalan at hindi lahat ay skin-friendly. Hindi rin tayo nakatitiyak sa masamang epekto nito. Madalas, ito ay gawa sa mga harsh chemicals o kaya ay may delikadong sangkap.

Kung ikaw ay bibili ng mga produktong mura at mababa ang kalidad, ito ay maaaring makasira sa iyong balat. At posibleng may masamang side effects din ang mga ito.

Ngunit, alam mo ba na maari kang magkaroon ng makinis o flawless na mukha sa pamamagitan ng mga simple at natural na sangkap na meron kayo sa inyong kusina.

Narito ang anim na mabisang home remedies na pwede mo subukan pampakinis ng mukha:

1. Uminom ng Maraming Tubig

Hindi tayo dapat magpalipas ng isang araw na hindi umiinom ng tubig. Kung gusto mong maging makinis at maganda ang iyong balat, kailangan mong uminom ng 8 – 10 baso ng tubig araw-araw. Maaring hindi mo alam kung gaano ka-effective at nakakatulong ang pag-inom ng maraming tubig upang magkaroon ng makinis na mukha. Ang tubig ay tumutulong upang mabilis na mailabas ang mga toxins at waste sa ating katawan na magreresulta sa makinis at glowing na balat.

Iwasan ang pag-inom ng labis na alcohol, softdrinks at mga matatamis na inumin. Ang mga ganitong inumin ay posibleng makasama sa iyo. Idagdag din sa iyong diet ang pagkain ng maraming prutas at gulay na may mataas na water content. Upang linisin naman ang iyong mukha, maghilamos ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw. Hindi inirerekomenda ang sobrang dalas na paghihilamos dahil ito ay nakaka-dry ng balat.

2. Lemon Juice

Ang katas ng lemon ay pampakinis at pampaputi ng iyong balat. Maganda rin ito upang mabawasan ang haggard look. Kung nais mo ang isang pink and glowing na balat, gumamit ka ng katas ng lemon. Ito ay may enzymes na nakaka-alis ng mga lumang skin cells.

Kumuha ng kaunting katas ng lemon at ipahid ito sa iyong mukha at leeg. Hayaan ito sa iyong mukha at leeg sa loob ng 10-15 minuto. Pagkatapos ay banlawan gamit ang maligamgam na tubig. Maaari mo itong gawin 2-3 beses kada linggo. O kaya ay gumamit ng kalahating parte ng lemon at isang egg white. Matapos haluin ay hayaan ang mixture sa iyong mukha at saka banlawaan ng maligamgam na tubig. Gawin ito ng madalas, ngunit huwag araw-araw.

3. Kamatis

Ang kamatis ay nakakatulong upang mapaganda ang kalusugan ng iyong balat. Ito ay natural at mabisang pampakinis ng mukha. Bukod pa rito, ito rin ay nagbibigay proteksyon laban sa mga tagyawat at mga pekas.

Para sa kutis na young-looking, gawin munang paste ang mga kamatis sa pamamagitan ng blender. Matapos itong mahalo, ipahid ito sa inyong mukha, at hayaan sa loob ng 10-20 minuto bago banlawan ng maligamgam na tubig. Gawin ito maski 4 na beses sa isang linggo.

Maaari din kayong gumamit ng tomato paste para mabawasan ang inyong tagyawat. Kung nais ninyong mabawasan ang inyong tagyawat, ipahid ang tomato paste sa parteng maraming tagyawat at hayaan ng kalahating oras sa nasabing parte. Pagkatapos ay maaari ng maghugas ng mukha.

4. Honey

Ang honey ay isang napakagaling na produkto para magkaroon ng isang makinis na balat. Ito rin ay itinuturing na super food dahil sa magandang epekto nito sa ating kalusugan. Ipahid lamang ito sa iyong mukha at leeg at hayaan sa loob ng 10 minuto bago ito banlawan ng malamig na tubig. Ang simpleng paraan na ito ay makakatulong upang magkaroon ng makinis na mukha.

Maaari mo ring gamitin ang honey sa iba’t ibang paraan. Gamitin ito kasama ang egg white at hayaan ito sa inyong mukha ng 15 minuto saka banlawan ng malamig na tubig. Gumamit ng sabon na banayad sa inyong balat upang maalis ang amoy ng itlog. Pwede rin gawing paste ang honey at kalahating-kutsaritang cinnamon powder. Ipahid ito at hayaan magdamag sa mukha. Sa umaga ay banlawan ang inyong mukha ng maligamgam na tubig.

Ulitin ang remedy na ito ilang beses bawat linggo.

5. Aloe Vera

Ang aloe vera ay isang popular na sangkap sa maraming produktong pampaganda dahil nakakatulong ito upang kuminis at luminis ang balat. Ito rin ay mabisang pang-alis ng tagyawat at pang-alis ng mga pekas. Nakakatulong din ito upang mabawasan ang wrinkles at mga fine lines sa mukha.

Baliin ang isang tangkay ng aloe vera upang lumabas ang gel sa loob nito, ipahid sa mukha at leeg. Maaari itong gawin ilang beses kada linggo, upang ma-achieve ang isang makinis na balat. Maaari rin itong gamitin sa ibang paraan, halimbawa ay paghaluin ang isang kutsara ng aloe vera gel, dalawang kutsara ng lemon juice at isang kutsara ng honey. Haluin maigi hanggang sa lumapot at mamuo-muo, saka ipahid ito sa inyong mukha at leeg. Saka mag banlaw pagkalipas ng 20-30 minuto. Ang natural na facial mask na ito ay mabisang paraan upang magkaroon ng makinis na mukha.

6. Pipino

Ang Pipino ay magandang pampakinis ng mukha at katulad ng aloe vera, sikat din na sangkap sa iba’t ibang produktong pampaganda dahil ito ay mabango at malamig sa pakiramdam kapag ipinahid. Ito ay may maraming sangkap na nakakatulong sa mga sensitive skin. Ang pipino ay may parehas na pH level katulad ng ating mga balat. Dahil dito, mainam itong proteksiyon laban sa iba’t ibang bacteria at contaminants.

Madali lang itong gawin. Haluin ang 2 kutsara ng oatmeal, kalahating piraso ng pipino na na-blender at konting gatas. Gawin itong mixture na ito 4-5 beses sa isang linggo upang maging mabisang pampaganda. Maaari ring ihalo ang katas ng pipino sa gatas upang maging alternatibo sa ibang cleanser. Dagdag pa, ang pipino ay nakakabawas din sa pangingitim ng balat sa paligid ng mga mata.

Konklusyon:

Ngayon ay alam mo kung paano mapanatiling malinis at makinis ang iyong mukha. Regular na gamitin ang mga nabanggit na natural na home remedies para sa iyong skin care dahil ang mga ito ay ligtas at natural na mabisa para sa flawless na balat. Iwasang gumamit ng mga artificial cosmetics. Subukan lagi na gumamit ng mga produktong ang sangkap ay natural.

Leave a Comment

14 + sixteen =